Mga Pahina

Linggo, Nobyembre 13, 2016

PANATA NG KATAPATAN



Panata ng Katapatan
________________________________________________

Sa panahong nagdaan, Iyong iningatan
Hirap, mga hilahil at karandaman
Itinulot Mo pong aking pagdaanan
Ngunit itinawid, hindi binitiwan.

Sa bawat paggising ay nasusumpungan
Nananatiling Iyong hinirang
Di ako itinakwil kahit may pagkukulang
Tunay pong ang pag-ibig Mo'y walang hanggan

Salamat po sa bigay na kahalalan
Ito’y hindi kailanman bibitiwan
Maghirap man ay ipakikipaglaban
Hanggang sa marating, pangako Mong Bayan

Bawat araw na aking pinagdaraanan
Nakaamba ang pagsubok, mga kahirapan
Maging ang pangliliglig ng mga kalaban
Ngunit ako’y magtitiwala sa Iyong katuwiran.

Panata ko’y panata ng katapatan
Di magtataksil, paglilingkod di iiwan
Patuloy na susunod sa Iyong kautusan
Magtatapat hanggang sa ‘king kamatayan.


Leah D. Manzano
Ilocos Sur, Philippines
June 2016

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento