Mga Pahina

Lunes, Nobyembre 14, 2016

AKO AY MAPALAD



Ako Ay Mapalad
 _____________

Ako ay hinirang, pinili ng Ama
At Kanyang tinawag na maging lingkod N’ya;
Ngayo’y kaanib sa banal na Iglesia
Sa banal N’yang bayan ako ay kasama.

Sambahayan ng Diyos, iyan na ang turing
Mga manlalakbay tungo sa lupain;
Basta’t Kaniyang utos ay aking diringgin
Ang lahat ng ito’y aking tutuparin.

Ako ay mapalad, ‘yan ay aking batid
Pagpapala ng Diyos, aking makakamit;
Kahit may hirap, mga pagtitiis
Ang Kaniyang saklolo, tiyak na sasapit.

Ako’y panatag na sa buhay na simple
Basta’t ang Diyos ay kasamang parati;
Hindi malulungko’t at mananaghili
Pagka’t ako’y anak ng Diyos na mabuti.

Di mangingimbulo sa yumayaman
Kahit guminhawa ang kanilang buhay;
Kapag gumagawa ng kasamaan
Tiyak na hahantong sa kaparusahan.

Ako ay mayroon pang inaasahan
Bukod sa biyayang pangkasalukuyan;
Kapag winakasan itong sanlibutan
Aking kakamtin yaong kaligtasan-

At doon sa langit ay maninirahan
Sa piling ng Ama magpakailanman.



Ariel G. Alzula
Southville, Cavite
April 2013

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento