Tayo ay naniniwala at sumasampalataya na ang
Biblia o Banal na Kasulatan ang siyang saligan ng mga Salita ng Panginoong
Diyos na dapat panaligan at isakatuparan ng lahat ng tao.
Nakababahala na sa pagdating ng
panahon ng pagkahayag o Araw ng Panginoong Jesu-Cristo ay papanagutin tayo ng
Panginoong Diyos sa hindi pagtupad ng ating tungkulin bilang Kaniyang lingkod
na ibahagi sa lahat ang hiwaga ng panukala
Niya ukol sa kaligtasan na Kaniyang ipinagkakaloob na ating naunawaan at
tinanggap. “Humayo
kayo sa buong sanlibutan at ipangaral ninyo ang magandang balita sa lahat ng
nilalang. Ang sinumang mabautismuhan ay maliligtas, ngunit ang hindi
sumasampalataya ay hahatulan.” (Mar. 16:15-16).
“…ipangaral
ang ebanghelyo ng kaharian sa buong sanlibutan bilang patotoo sa lahat ng
bansa. Kung magkagayon, darating na ang wakas.” (Mat. 24:14, NPV). Kaya isinagawa ito bilang
patotoo na hindi tayo nagkulang sa ating tungkulin bilang lingkod ng Diyos na
ibalita sa lahat ang Kaniyang gawaing pagliligtas ngayong mga huling araw.
Nasabi nating hiwaga ang panukala
Niya ukol sa kaligtasan sapagka’t sa Roma 16:25 ay nasasaad ang ganito: “Purihin ang
Diyos na makapagpapatibay sa inyo sa pamamagitan ng Mabuting Balita tungkol
kay Jesu-Cristo na ipinangangaral ko sa inyo. Ang Mabuting Balitang iyan ay isang
hiwaga na nalihim ng mahabang panahon.” Ang Biblia ay mga Salita ng Diyos na “isang hiwaga na
nalihim ng mahabang panahon.” Kaya, upang
ang katotohanan tungkol sa mga kalooban ng Diyos ay masumpungan ng tao, hindi
sapat na magtaglay lamang tayo ng taimtim na paghahangad sa paghahanap.
Bagama’t mahalaga ang katapatan ng layunin subali’t ito ay hindi sapat upang
matuklasan natin sa sariling kaparaanan ang kalooban ng Diyos. Hindi rin sapat
ang ating taglay na karunungan upang maunawaan ang mga Salita ng Diyos na
nakasulat sa Biblia na isang hiwaga na nalihim. Kahit sabihin pa na ang
nagtuturo nito ay marurunong at mga pantas dito sa sanlibutan. Marami ang hindi
nakaunawa nito at nag-akalang sila’y nasa katotohanan na. Kaya lumaganap ang
isang paniniwala na nagsasabing tinaggap na nila si Cristo bilang Panginoon at
pansariling tagapagligtas. Gayundin malaganap rin at popular ang paniniwala na
ang lahat ng nakatatag ngayon na iba’t ibang relihiyon at mga Iglesia diumano
ay pare-parehong sa Diyos at lahat ng iba’t ibang paraan ng paglilingkod ng tao
sa Diyos anila ay pawang maghahatid sa kaligtasan at walang hanggang buhay sa
piling ng Dakilang Lumikha. Marami rin ang nagpapalagay na saan mang relihiyon
daw kaanib ang tao, o kahit nga raw walang kinabibilangang relihiyon, ay
tatanggapin ng Diyos ang kanilang paglilingkod, lalo’t gagawin niya ito nang
taimtim at taos sa puso. Dahil dito, hindi na raw kailangan pa natin na hanapin
kung alin sa napakaraming relihiyon at pangkatin ng pananampalataya ngayon ang
totoo. Subali’t may ibinabala ang Biblia sa Kawikaan 14:12, at ito ang
sinasabi: “May
daan na tila matuwid sa tao, ngunit and dulo niyaon ay mga daan ng kamatayan.” Hindi ba dapat na tiyakin natin na tayo ay
nasa tamang daan patungo sa kaligtasan at tunay na buhay?
Paano natin malalaman ang tunay na
kalooban ng Panginoong Diyos? “At papaanong makapangangaral
ang sinuman kung hindi siya isinusugo.” (Rom. 10:15) Ang tunay na kalooban ng
Panginoong Diyos ay malalaman at mauunawaan lamang ng tao sa pamamagitan ng sinugo ng Panginoong Diyos. Papaano makikilala ang
sinugo ng Diyos? “Sapagka’t ang sinugo ng Diyos ay nagpapahayag ng mga salita ng
Diyos; at walang sukat ang kaniyang pagkakaloob ng Espiritu Santo.” (Juan 3:34). Ang sinugo ay may kaloob ng
Panginoong Diyos. “Sa inyo’y ipinagkaloob na malaman ang lihim ukol sa paghahari ng
Diyos; nguni’t sa iba, ang lahat ng bagay ay tinuturo sa pamamagitan ng
talinghaga.” Ang sinugo
ng Diyos lamang ang may kahalalan at karapatan na mangaral ng kalooban ng
Panginoong Diyos at may patotoo Niya. Sa papaanong paraan ang pagtuturo ng
sinugo ng Diyos? “Sa mga nagtataglay ng Espiritu, ang ipinaliliwanag nami’y
katotohanang Espirituwal; mga pananalitang turo ng Espiritu at hindi ayon sa
karunungan ng tao ang ginagamit namin.” (I Cor. 2:13). Espirituwal na paghahambing sa mga bagay na espirituwal,
sapagka’t ang mga bagay na espirituwal ay mauunawaan lamang sa paraang
espirituwal.
Tulad ng nabanggit sa itaas, ang
Biblia ay hindi isang bukas na aklat na maaring basahin at bigyang pakahulugan
ninoman o sinoman upang ito ay ipangaral. Ito ang naging pagkakamali ng ibang
nakapagbasa at nagbigay ng pansariling mga pakahulugan kaya lumaganap ang iba’t
ibang uri ng paniniwala. Sapagka’t, “Higit sa lahat, tandaan ninyo na walang makapagpapaliwanag ng
alinmang hula sa Kasulatan sa bisa ng kaniyang sariling kakayahan.” (II Pedro 1:20).
Bilang katunayan narito ang isang pangyayari
na natala sa Biblia. “Pagkatapos, si Felipe naman ay inutusan ng isang angel ng
Panginoon. ‘Pumunta ka agad sa timog sa daang patungong Gaza, mula sa
Jerusalem.’ Kaya’t naparoon si Felipe. Sa darating naman ang isang Etiopeng
eunuko. Siya ang tagapamahala ng lahat ng kayamanan ng Candace o reyna ng
Etiopia. Nagpunta siya sa Jerusalem at sumamba sa Diyos. Siya’y pauwi na noon,
nakasakay sa kanyang karwahe at nagbabasa ng aklat ni Propeta Isaias. “Sabayan
mo ang sasakyang iyon,” sabi ng Espiritu kay Felipe. Patakbong lumapit si
Felipe, at narinig niyang binabasa ng eunuko ang aklat ng Propeta Isaias.
Kaya’t tinanong niya ang eunuko, “Nauunawaan po ba ninyo ang inyong binabasa?
Paano kung mauunawaan ito kung walang magpapaliwanag sa akin?” sagot nito.” (Gawa 8:29-31). Dito pinatutunayan lamang ng
Diyos na nais niyang ang mga nagbabasa ng Banal na Kasulatan ay maayos na
napapatnubayan at napapaliwanagan ng kaniyang sinugo, kung hindi disi’n sanay
hinayaan na lamang niyang basahin at unawain ito ng eunuko at hindi na isinugo si
Felipe!
Kasama
na rin sa ating dapat ikinababahala ay baka ang hindi pag-akay sa mga tao na
maunawaan ang kalooban ng Diyos at sa Kaniyang panukalang pagliligtas ay maging
sanhi ng hindi natin ika-pagiging dapat sa pagtanggap ng pangako niyang
kaligtasan, pagtatamo ng buhay na walang hanggan at pagtahan sa Kaniyang Bayang
Banal. Mahirap na tanggapin ang isang bagay na pinagpagalan at pinagbuhusan
natin ng panahon at hindi matatawarang pagsisikap ay mawawalan lamang ng
kabuluhan. Wala nang hihigit pang sakit na maaaring maramdaman ng isang tao
kung ang ginagawa niyang paglilingkod sa Panginoong Diyos ay mawawalan lamang
ng kabuluhan.
Ngayon, mula pa sa pasimula at sa
lahat ng panahon ay patakaran na ng Diyos na ibukod at tipunin sa isang lahi
ang mga taong maglilingkod sa Kaniya. “Muling sinipingan ni Adan ang kanyang asawa, at ito’y nanganak ng
isa pang lalaki. Sinabi ng ina” “Binigyan ako ng Diyos ng kapalit ni Abel”; at
ito’y tinawag niyang Set. Si Set ang ama ni Enos. Noon nagsimula ang mga tao ng
pagdalangin sa Diyos at pagtawag sa kanya na Yahweh.” (Gen. 4:25-26, MB). Ang kinalugdan at tinawag
na “mga
anak ng Diyos” ay ang lahi
ni Set na ibinukod para maglingkod sa Kaniya. Noon ay isang
lahi lamang ang sa Diyos – ang lahing nagsimula kay Set. Subali’t hindi
naingatan ng lahi ni Set ang pagiging mga ibinukod na “mga anak ng
Diyos”. Sa Genesis
6:1-2 ay mababasa ang ganito, “At nangyari, nang magpasimula na dumami ang mga tao sa balat ng
lupa, at mangagkaanak ng mga babae, Na nakita ng mga anak ng Diyos, na
magaganda ang mga anak na babae ng mga tao; at sila’y nangagsikuha ng
kanikaniyang asawa sa lahat ng kanilang pinili.” Ang “mga anak ng tao” ay ang lahi
ni Cain na itinakuwil at walang karapatang maglingkod sa Diyos. Ang pag-aasawa
ng mga anak
ng Diyos sa mga anak ng tao ay tahasang pagsira sa layuning pagbubukod ng
Diyos at ito ay nagbunga ng pagsama’ ng mga tao. Kaya, ipinasya ng Diyos na
lipulin ang tao at lahat ng may hininga sa sanlibutan. (Gen. 6:5-7). Subalit
bago isinagawa ng Panginoong Diyos ang paglipol, pumili at nagbukod Siya ng
isang lahi na magpapatuloy sa paglilingkod sa Kaniya. “Dahil sa
kasalanan ng tao noong unang panahon, ginunaw ng Diyos ang daigdig sa
pamamagitan ng baha. Wala siyang iniligtas maliban kay Noe na nangangaral
tungkol sa matuwid na pamumuhay, at pito niyang kasama.” (II Pedro 2:5).
Batid natin na sa pamamagitan ng
pagpasok sa daong na ipinagawa ng Diyos kay Noe natamo nila ang pagliligtas ng
Panginoong Diyos. Marami ang napahamak sa bahang gunaw, kasama ang mga kapatid
sa laman ni Noe, mga kamag-anak sa kaniyang amang si Lamec. Kaya, kung iniisip
ng sinuman na dahil sa ang Diyos naman ay puspos ng pag-ibig at sagana sa habag
hindi Siya papayag na mas marami ang mapapahamak kaysa maliligtas, ang
pangyayari sa sambahayan ni Noe ay isang paghahayag at katunayan na hindi sa
iniisip ng tao o sa bilang ang batayan ng Diyos sa pagliligtas kundi sa
pamamaraan at panukala Niya. Ang naliligtas ay ang sumusunod sa paraan at
panukala ng pagliligtas na ibinibigay ng Diyos sa tao.
Ang ibinukod na lahi ni Noe ay
inutusan ng Diyos na, “Magkaroon kayo ng maraming anak at kalatan ninyo ang buong
daigdig.” (Gen. 9:1).
Ngunit sa paglipas ng panahon hindi din nanatili ang lahi ni Noe sa kanilang
kahalalan bilang mga pinili ng Panginoong Diyos sapagka’t hindi nila sinunod
ang kautusan ng Diyos. Sa halip na sumunod gumawa sila ng lungsod na may mataas
na tore sa layuning hindi sila magkawatak-watak (Gen. 11:4, MB). Isang tahasang
paglabag sa utos ng Panginoong Diyos na “kalatan ninyo ang buong daigdig”. Kaya ginulo ng Panginoong Diyos and nagiisang
wika ng mga tao noon at pinangalat Niya sila sa buong daigdig. Sa pagtalikod at
hindi pagsunod ng lahi ni Noe patuloy at muling nagbukod ang Diyos ng mga tao
na maglilingkod sa Kaniya.
“Ito ang ating tipan: Ikaw ay magiging ama ng maraming bansa.
Hindi na Abram ang itatawag sa iyo kundi Abraham, sapagka’t ginagawa kitang ama
ng maraming bansa. Pararamihin ko ang iyong mga inapo at magtatatag sila ng mga
bansa; at may magiging hari sa kanila. Tutuparin ko ang aking pangako sa iyo at
sa iyong lahi, at ako’y magiging Diyos ninyo habang panahon.” (Gen. 17:4-7, MB). Muling nagbukod ang Diyos
mula sa isang Abram na pinangakuan Niya na magiging ama ng mga bansa. At ang
pangakong ito ay tagos hanggang kay Isaac, kay Jacob at sa bayang Israel na
lahi ni Abraham noong panahon ng patriyarka at mga propeta. “At iyong
itinatag sa iyong sarili ang iyong bayang Israel upang maging bayan sa iyo
magpakailanman; at ikaw, Panginoon, ay naging kanilang Diyos.” (II Sam. 7:24, MB). “Kayo ay bansang
pinili ni Yahweh. Hinirang niya kayo sa lahat ng bansa upang maging kaniya.
Pinili niya kayo at inibig hindi dahil sa dami pagka’t kayo pa nga ang
pinakakaunti sa lahat. Pinili niya kayo dahil sa pag-ibig niya sa inyo..”. (Deut. 7:6-8, MB). Subalit ang Israel, sa karamihan ng bansa
noon, na ibinukod at itinuring ng Diyos na kaniyang bayan ay tumalikod din
naman sa kaniyang kahalalan. (Dan. 9:11, MB).
Upang patuloy na may dumidiyos sa
Panginoong Diyos patuloy ang Kaniyang pagbubukod at nag-iwan Siya ng isang
binhi ni Abraham na ito ay ang Panginoong Jesus-Cristo. “Ngayon, nangako
ang Diyos kay Abraham at sa kanyang inapo. Hindi sinasabi, “at sa kaniyang mga
inapo,” na mangangahulugang marami, kundi “at sa iyong inapo,” na iisa ang kahulugan, at ito’y si
Cristo.” (Gal. 3:16).
Si Cristo lamang ba ang may karapatang maglingkod sa Diyos sa panahong
Cristiano? Hindi. Kasama rin ang mga taong kay “Cristo” sapagka’t sila ay
ibinilang din na lahi ni Abraham. “At kung kayo’y kay Cristo, kabilang kayo sa lahi ni Abraham, at
tagapagmana ng mga ipinangako ng Diyos.” (Gal. 3:29). Ang mga na kay Cristo ay ibinilang na mga anak o lahi ni
Abraham sa pangako. “Ito’y nangangahulugang hindi lahat ng anak ni Abraham ay
ibinilang na anak ng Diyos kundi ang mga anak lamang ayon sa pangako ng Diyos
ang ibinilang na lahi niya.” (Roma 9:8).
Upang hindi masira ang panukala at
simulain ng Diyos na isang binhi lamang ang magmamana ng Kaniyang pangako,
ginawa Niya na ang mga tao na na kay Cristo ay matipon sa iisang katawan. “At hindi lamang
para sa kanila, kundi naman upang pagsama-samahin sa loob ng isang katawan ang
lahat ng nagsipangalat na mga tao ng Diyos.” (Juan 11:52, Today’s English Version, isinalin
mula sa Ingles). Samakatuwid, ang mga taong na kay Cristo ay tinipon ng
Panginoong Diyos sa isang katawan na katawan
ni Cristo. Sapagka’t, “At siya ang ulo ng katawan, samakatuwid baga’y ng iglesia.” (Col. 1:18). Kaya sila’y hindi nagkalat sa
iba’t ibang organisasyon. At sa pamamagitan nito nilalang ni Cristo ang isang
taong bago. “Na
inalis ang pagkakaalit sa pamamagitan ng kaniyang laman, kahit kautusan na may
mga batas at palatuntunan; upang sa dalawa ay lalangin sa kaniyang sarili ang
isang taong bago.” Ano ang
balangkas ng taong bago? Si Cristo ang Ulo at ang Iglesia na katawan ni Cristo.
Si Cristo at ang mga sumusunod sa Kaniya (Iglesia) ang bagong nilalang sa
pagbabagong lahi. “At sinabi ni Jesus sa kanila, katotohanang sinasabi ko sa inyo,
na kayong nagsisisunod sa akin, sa pagbabagong lahi…”(Mat. 19:28). Sa harapan ng Diyos si Cristo at
ang Iglesia ay isang taong bago.
Mula noon hanggang sa kasalukuyan
hindi nagbabago ang Panginoong Diyos sa Kaniyang panukala at gawa. Ang
pagbubukod ng Kaniyang tagapaglingkod ay patuloy at ang Kaniyang pagliligtas ay
nananatili. “Nguni’t
talastasin ninyo na ibinubukod ng Panginoon sa ganang kaniyang sarili ang
banal. (Awit 4:3).
Ang ibinukod ng Diyos na mga taong maglilingkod sa Kaniya sa panahong Cristiano
ay nasa loob ng Iglesia na itinayo ni Cristo. “At sinasabi ko naman sa iyo, ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng
batong ito ay itatayo ko ang aking iglesia,…(Mateo 16:18). Ang tunay na pangalan ng
ibinukod ay ang, “Mangagbatian kayo bilang mga kapatid kay Cristo. Binabati kayo ng
lahat ng mga iglesya ni Cristo.” (Roma 16:16).
“…idinaragdag
ng Panginoon sa iglesia araw-araw ang mga nararapat maligtas.” (Gawa 2:47, KJV). At ang katangian ng iglesia
ay, “Datapwa’t
kayo ay isang lahing hinirang, mga saserdote ng Hari, isang bansang nakatalaga
sa Diyos upang maging kaniya at maghahayag ng mga kahanga-hangang gawa niya.
Siya rin ang tumawag sa inyo mula sa kadiliman tungo sa kanyang kagila-gilalas
na kaliwanagan.” (I Pedro
2:9).
Subali’t dumating ang panahon na
nang mamatay ang mga apostol ang mga kaanib sa unang Iglesia Ni Cristo ay natalikod din sa paglilingkod sa
Panginoong Diyos. Ito ay sa pamamagitan ng mga bulaang propeta. Katuparan ng
pahayag ng Panginoong Jesu-Cristo na lilitaw ang maraming bulaang propeta “upang mapasunod ang mga alagad, at sa gayo’y
mailigaw sila.”
(Mateo 24:4,
11; Gawa 20:29-30). Ang pagtalikod na ito ay hinulaan ni Cristo at ng mga Apostol na natala
sa Biblia, at ang pangyayaring ito ay pinatutunayan at mababasa natin sa mga
aklat ng kasaysayan na tunay na naitalikod ang unang Iglesia Ni Cristo. (Ang Naganap na Pagtalikod sa Unang Iglesia ni Cristo)
Subali’t dahil sa naging patakaran na ng Panginoong Diyos ang
pagbubukod ng maglilingkod sa Kaniya simula pa nang una, muli Siyang nagbukod
ng Kaniyang hinirang sa huling araw na ito. Sapagka’t sinabi ng Panginoong
Jesu-Cristo, “Ako ay mayroon
pang ibang mga tupa. Sila ay wala sa kawang narito. Kailangang pangunahan ko
rin sila. Sila’y makikinig sa aking tinig. Sa hinaharap ay magkakaroon ng isang
kawan at isang pastor.” (Juan 10:16, Easy-to-Read New
Testament, isinalin mula sa Ingles). Ibig sabihin may “ibang mga tupa” pa na hindi pa kasama sa unang kawan o
iglesia sa panahon ng ating Panginoong Jesu-Cristo at ng mga Apostol. Kaya ang
muling pagbubukod ay hinulaan ng Propeta Isaias: “Ikaw
na aking hinawakan mula sa mga wakas ng lupa; at tinawag kita mula sa mga sulok
niyaon, at pinagsabihan kita, Ikaw ay aking lingkod, aking pinili ka at hindi
kita itinakuwil; Huwag kang matakot, sapagka’t ako’y sumasaiyo, huwag kang
manlupaypay, sapagka’t ako’y iyong Diyos; aking palalakasin ka; oo, aking
tutulungan ka; oo, aking aalalayan ka ng kanang kamay ng aking katuwiran.” (Isa. 41:9-10). “Huwag kang
matakot; sapagka’t ako’y sumasaiyo: Aking dadalhin ang iyong lahi mula sa
silangan, at titipunin kita mula sa kanluran; Aking sasabihin sa hilaga,
Bayaan mo, at sa timugan, Huwag mong pigilin: dalhin mo rito ang aking mga anak
na lalake na mula sa malayo, at ang aking mga anak na babae na mula
sa mga wakas ng lupa.” (Isa. 43:5-6). Tiniyak ng Diyos ang
dako na pagmumulan at panahon ng gawaing pagbubukod ng Kaniyang mga hinirang na
lalake at babae sa mga wakas ng lupa, o huling araw. Naisakatuparan ang hulang
ito sa pagsusugo ng Diyos at paglitaw ng Iglesia Ni Cristo sa malayong
silangan o Pilipinas sa mga wakas ng lupa o mga huling araw ng
katapusan ng sanlibutan.
Ito ang pagbubukod at pagliligtas ng Panginoong Diyos sa mga huling
araw na ito. Ito ang iglesia na si Cristo ang ulo, “At siya ang ulo ng katawan, samakatuwid baga’y ng iglesia.” (Col. 1:18) at siyang Tagapagligtas. “Sapagka’t
ang lalaki ang ulo ng kanyang asawa, tulad ni Cristo na siyang ulo ng iglesya,
na kanyang katawan, at siyang tagapagligtas nito.”(Efe. 5:23). Itinagubilin sa mga katiwala ng iglesia na, “Ingatan ninyo kung gayon ang inyong sarili at ang buong kawan na
rito’y hinirang kayo ng Espiritu Santo na mga katiwala, upang pakanin ang
iglesia ni Cristo na binili niya ng kaniyang dugo.” (Gawa 20:28, Lamsa).
Matatalikod pa ba ang ibinubukod at ililigtas ng Panginoong Diyos sa
mga huling araw na ito? Sa Mateo 13: 39 ay sinasabi: “Ang pag-aani ay ang katapusan ng daigdig, at ang mga angel ang
tagapag-ani.” Ang katapusan ng sanlibutan ang huling
pagbubukod at pagliligtas o pag-aani ng Panginoong Diyos sa pamamagitan ng Kaniyang
mga angel. “At nakita ko, at
narito, ang isang alapaap na maputi; at nakita ko na nakaupo sa alapaap ang
isang katulad ng isang anak ng tao, na sa kaniyang ulo’y may putong na ginto at
sa kaniyang kamay ay may isang panggapas na matalas. At lumabas ang ibang
anghel sa templo, na sumisigaw ng malakas na tinig doon sa nakaupo sa alapaap,
Ihulog mo ang iyong panggapas, at gumapas ka; sapagka’t dumating na ang oras ng
paggapas, sapagka’t ang aanihin sa lupa ay hinog na.” Ang Iglesia Ni Cristo ang huling gawain ng Diyos sa
pagliligtas ng Kaniyang mga hinirang kaya’t wala ng pagtalikod na magaganap pa
sa mga huling araw ng katapusan ng sanlibutan o daigdig.
Sa pamamagitan ng Iglesia malalaman natin ang katotohanan ng mga Salita
ng Diyos sapagka’t, “sa iglesya na
siyang haligi at saligan ng katotohanan.” (I Tim. 3:15). Ang Iglesia ang haligi at saligan ng walang hanggang
karunungan ng Panginoong Diyos, “upang sa
pamamagitan ng iglesya ay maipakilala ngayon sa mga pinuno at makapangyarihan
doon sa kalangitan ang walang hanggang karunungan ng Diyos na nahayag sa iba’t
ibang paraan.” (Efeso 3:10).
Ang iglesia ay hindi tagapagligtas. Ang
iglesia ang siyang ililigtas ng Panginoon ayon sa minagaling ng Diyos (Efeso
1:9-10; 5:23). Isinugo Niya ang Kaniyang anak na si Jesucirsto bilang
Tagapagligtas (Gawa 5:13; 13:23). Niloob ng Diyos na si Cristo ang maging
Tagapagligtas kaya itinatag ng Panginoon ang Iglesia na kaniyang ililigtas
pagdating ng Araw ng Paghuhukom. Kahalintulad ng ginawa ng Panginoong Diyos
noong panahon ni Noe. Isinugo ng Diyos si Noe (Jesus) upang maging kasangkapan
sa gawaing pagliligtas. Kaya ipinagawa ang Daong (Iglesia) upang sino mang
pumasok ay maliligtas pagdating ng Araw ng Paggunaw sa sanlibutan (Araw ng
Paghuhukom).
Bakit may panukala ang Diyos na
pagliligtas? Ito ay dahil sa kasalanan at kasamaan ng mga tao na may kabayaran
na kamatayan. “Sapagka’t ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan; (Roma 6:23). “Ngunit sa mga duwag, at sa mga hindi mananampalataya, at sa mga
kasuklamsuklam, at sa mga mamamatay-tao, at sa mga mapakiapid, at sa mga
mangagaway, at sa mga mapagsamba sa diosdiosan, at sa lahat ng sinungaling, ang
kanilang bahagi ay sa dagatdagatang nagniningas sa apoy at asupre; na siyang
ikalawang kamatayan.” (Apoc. 21:8).
Subali’t hindi sa kamatayan lamang humahangga ang lahat para sa tao sapagka’t
pagkatapos ng kamatayan ay mayroon pang ikalawang kamatayan at pagkatapos nito
ay ang paghuhukom na kailangang harapin ng tao. “At kung papaanong itinakda sa mga tao ang mamatay na minsan, at
pagkatapos nito ay ang paghuhukom.” (Heb. 9:27). Ang kaganapan ng
kaparusahan ay sa araw ng paghuhukom. Dito dapat makaiwas o maligtas ang mga
tao kaya may panukala ang Diyos na pagliligtas. “Sa pamamagitan ng isang tao – si Adan – naghari ang kamatayan
dahil sa kaniyang kasalanan. Ngunit sa pamamagitan din ng isang tao – si
Jesu-Cristo – higit ang kinamtan ng mga kinahabagan ng sagana at pinawalang
sala; (Roma 5:17) “Nagdala ng hatol
na kaparusahan ang kaniyang pagsuway, ngunit ang kaloob na dumating sa kabila
ng maraming pagsuway ay nagdulot ng kapatawaran.” (Roma 5:16). Sa pamamagitan ng Panginoong
Jesu-Cristo ang kasalanan ng mga tao ay mapapawalang bisa at mapapatawad. Sapagka’t
bawat isa sa atin, sabi ni Apostol Pablo, “…ay magbibigay sulit sa Dios sa kaniyang sarili.” (Roma 14:12). Kaya nagtakda ang Panginoong
Diyos ng isang araw upang muling buhayin ang mga patay upang magbigay-sulit sa
lahat ng bagay na kanilang ginawa nang sila’y nabubuhay pa. At upang ipakilala
ni Apostol Pablo ang kaniyang pananalig sa katotohanang may pagkabuhay na
mag-uli ang sabi niya’y, “…kung hindi muling binubuhay ang mga patay, hindi na rin nga
muling binuhay si Cristo.” (I Cor.
15:16).
Kaya, hindi tayo dapat magsawa na
ipabatid sa lahat ang kaalaman ng Diyos tungo sa tamang batayan at pamamaraan
ng paglilingkod sa Kaniya at sa Kaniyang pagbubukod at panukalang pagliligtas.
Ang nagtatamo ng kaligtasan ay ang sumusunod sa paraan na itinuturo ng Diyos sa
tao. Ang mga taong nagtamo ng biyayang karapatan o kahalalan, pinili at
ibinukod ang nakatitiyak na pinahahalagahan ng Diyos ang kanilang gawang
paglilingkod. Hindi tulad ng iba na ang pinagbabatayan ay ang mga sali’t saling
sabi, mga panimulang aral na walang kabuluhan, kaugalian, alamat at mga
tradisyon. Ang iba naman ay nagbabakasakali lamang at ang ginagamit na batayan
ay ang kanilang pakiramdam, o kaya’y ang inaakala nilang katapatan ng kanilang
layunin, at iba pang pansariling pamantayan. Maaaring ang pakiramdam ng isang
tao ay tamang-tama na ang ginagawa niyang paglilingkod sa Diyos sapagka’t
nasisiyahan ang kaniyang kalooban sa pagsasagawa ng mga bagay na ito. Maaring
dahil dito’y inaakala niya na tinatanggap at pinahalagahan na ng Panginoong Diyos
ang kaniyang pagsamba. Nguni’t hindi ang mga ito ang dapat pagbatayan ng tao sa
pagtiyak kung tama o mali , at kung katanggap-tanggap sa Diyos o hindi, ang
paglilingkod niya sa Diyos. Sapagka’t itinuturo ng Biblia: “Hindi bawat
nagsasabi sa akin Panginoon, Panginoon, ay papasok sa kaharian ng langit; kundi
ang gumaganap ng kalooban ng aking Ama na nasa langit. Marami ang magsasabi sa
akin sa araw na yaon, Panginoon, Panginoon, hindi baga nagsipanghula kami sa
iyong pangalan, at sa pangalan mo’y nangagpalayas kami ng mga demonio, at sa
pangalan mo’y nagsigawa kami ng maraming gawang makapangyarihan? At kung
magkagayo’y ipapahayag ko sa kanila, Kailan ma’y hindi ko kayo nangakilala:
magsilayo kayo sa akin, kayong mga manggagawa ng katampalasanan.” (Mat. 7:21-23). Dagdag pa dito sa Mat. 15:9 ay
sinasabi, “Datapuwa’t
walang kabuluhan ang pagsamba nila sa akin, Na nagtuturo ng kanilang pinakaaral
ang mga utos ng tao.” Hindi sapat
na pagbatayan ang katapatan ng pagmamalasakit ng isang tao o ang pagsisikap
niyang makalugod sa ginagawa niyang paglilingkod sa Diyos upang maka-asa siyang
pahahalagahan ng Diyos ang kaniyang ginagawang paglilingkod. Maaaring tapat at
buong puso ang layunin ng mga tao sa paglilingkod, nguni’t kung mali ang
kanilang batayan at pamamaraan ay hindi rin sila pagiging dapatin ng Panginoong
Diyos. Ayon pa kay Apostol Pablo, “Mapapatunayan kong sila’y nagsisikap na maging kalugod-lugod sa
Diyos, subali’t mali ang kanilang batayan. Sapagka’t hindi nila nakilala ang
pagpapawalang-sala na kaloob ng Diyos, at nagsikap silang magtayo ng sarili
nilang pamamaraan sa halip na sundin ang pamamaraan ng Diyos.’ (Roma 10:2-3, MB).
Ano ang pamamaraan ng Diyos na dapat
isakatuparan ng tao? “Sinabi sa kaniya ni Jesus, Ako ang daan, at ang katotohanan, at
ang buhay: Sinoman ay di makaparoroon sa ama kundi sa pamamagitan ko.” (Juan 14:6). “Kaya’t muling sinabi ni Jesus, ‘Tandaan ninyo: ako ang pintuang
dinaraan ng mga tupa…” (Juan
10:7). Papaano ang pagdaan kay Cristo? “Ako ang pintuan;
ang sinomang pumasok sa akin, ay siya’y maliligtas…” (Juan 10:9). Saan napapabilang ang pumasok o
dumaan kay Cristo? Nasa isang Kawan
(Juan 10: 16, MB). Alin ang kawan na tinutukoy? Ang Iglesia ni Cristo, (Gawa
20:28, Lamsa). Samakatuwid, upang matiyak ng tao na nasa tamang daan siya sa
paglilingkod at kaligtasan dapat mapabilang siya sa kawan o Iglesia ni Cristo, na ito ay naaayon sa tamang batayan at
pamamaraan ng paglilingkod sa Panginoong Diyos at sa Kaniyang panukalang
pagliligtas.
Patuloy nating ipanalangin at
ipakiusap na loobin nawa ng Panginoong Diyos na masunod natin ang tamang
batayan at pamamaraan na ibinigay Niya ukol sa makabuluhang paglilingkod at ang
Kaniyang panukalang pagliligtas. At huwag nawa Niyang papagmatigasin gaya ng diamante (Zach. 7:12) ang ating mga puso at kalooban,
manapa’y mula sa
kadiliman sumaatin ang kagilagilalas na kaliwanagan (I Ped. 2:9) ng kalooban ng Panginoong Diyos
sa pamamagitan ng Panginoong Jesu-Cristo. Loobin nawa ng Diyos na matamo natin ang ganap
na pagkaunawa at pananampalataya sa mga Salita ng Panginoong Diyos
Ang tunay na pananampalataya ay bunga ng pakikinig (Roma 10:17). At mangyayari lamang ito kung
patuloy tayong magsusuri at makikinig ng mga Salita ng Diyos mula sa haligi at saligan ng katotohanan (I Tim. 3:15) sa pamamagitan ng pagtuturo at
pangangaral ng tunay na sinugo ng Panginoong Diyos (Juan 3:34;
Roma 10:15).
Ang mga ito ang mga salita na aking naunawaan sa ginawang pakikinig, pagsaliksik, pagsusuri at pag-aaral sa mga doktrina ng Iglesia Ni Cristo.
Ang mga ito ang mga salita na aking naunawaan sa ginawang pakikinig, pagsaliksik, pagsusuri at pag-aaral sa mga doktrina ng Iglesia Ni Cristo.
TULUNGAN NAWA
TAYO NG PANGINOONG DIYOS!
Follow:
ANG NAGANAP NA PAGTALIKOD SA UNANG IGLESIA NI CRISTO.
Follow:
ANG NAGANAP NA PAGTALIKOD SA UNANG IGLESIA NI CRISTO.
“Alalahanin mo ang lumikha sa iyo sa panahon ng iyong kabataan bago dumating ang mga araw at taon na puno ng kaguluhan, panahong hindi mo na madama ang tamis ng mabuhay…Alalahanin mo siya bago manumbalik sa lupa ang ating katawang lupa at ang ating espiritu ay magbalik sa Diyos na may bigay nito.”
TumugonBurahin